Facebook Badge

Friday, August 7, 2009

Ang Ating Laban

Kay lakas ng ulan ng gabing iyon
Malakas ang bagsak ng bawat patak ,
Subalit ang kabog ng aking dibdib
Panaghoy ng aking pagkatao ay higit na umaalingaw-ngaw
sa apat na sulok ng silid.

Panaghoy ng pusong nasasaktan
Paghikbi ng naguguluhang katauhan,
Bumangon ako at tinungo ang paliguan,
Pilit na hinugasan ang mga dumi sa aking katawan,
Mga luha ko’y dumaloy ng tulad ng ulan.
Pilit kong inamo ang mga mata kong nasisilam.

Subalit ang hapdi ng bawat himay-may
Ng aking kalooban ay pilit na nag-uumapaw.
Hanggang ang mga tuhod ko’y bumigay na rin.
Nawalan ng panimbang at lubusang napaluhod
Habang tumatangis.

Ang kaawa awa kong pagkatao,
Di ko na namalayang nauupos na pala.
Nauubos at natutunaw sa gitna ng init
na dulot ng malupit na pagmamahalan.

Pinipilit kong lumaban
para sa aking mga pananaw at pinaniniwalaan.
Para sa taong aking buong pusong itinatangi,
Iniirog at pinagpipitaganan.
Hindi ko man batid kong hanggang kailan
Ang mga mata ko’y mananatiling luhaan
at ang puso ko’y mahihirapan.

Patuloy akong aasang tayo’y mauunawaan
Ng sangkatauhan.
Kung bakit pinili nating maging mali sa kanilang mga mata.
Kung bakit tayo nanatiling nakikipaglaban
Para sa pantay na karapatan.

Nais kong tumakas
Tumakbo, iwasan ang mga kanilang katanungan.
Magtago sa mundong higit na pinaniniwalaan
ang kani kanilang karunungan,
mga mapanuri nilang mga mata.
At ng matatalim nilang pananalita
Sila ba talaga ang tama?

Nais kong ipaglaban ang aking nararamdaman.
Bigyan ng hustisya ang bawat kong panaghoy
Ipaintindi na ikaw at ako’y mga tao rin lamang.
May pantay na karapatan,
Karapatang makaramdam ng kakaibang kasiyahan.
Dulot ng isang wagas na pagmamahalan.

Maaring hindi tayo nila maiintindihan
Subalit hangga’t ika’y nandyan.
Buong gilas kong ipaglalaban ang ating pagmamahalan.
Mali man sa karamihan,
Para sa kin mas mahalaga ang ating nararamdaman.
Higit sa ginto o ilang baul ng kayamanan,
Maaring magtanong ka din aking hirang,
Hanggang kailan tayo makikipaglaban?

Hanggan’t tayo’y may hininga at ulirat,
Hangga’t ang puso mo’y ako ang isinisigaw,
Lumpuhin man ako ng karamdaman,
Pilit kong ipaglalaban ang ating pagmamahalan.

Dahil sa mundong ating ginagalawan
Lahat ay maari nating makalaban.
Basta humawak ka lang sa aking mga palad.
Magiging malakas ako at patuloy na makikibaka
Para sa ating pagmamahalan.

Kay sarap isiping nandyan ka at handang umagapay.
Makikipagsapalaran na kasama ko.
Kahit hindi natin batid kung tayo’y hanggang saan makikipaglaban.

1 comments:

Rico De Buco August 15, 2009 at 8:40 PM  

iiyak mo nlng kay Lord yAn pre..kaya yan

  © Blogger template 'Ultimatum' by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP